Nagpaalam na ang aking kapatid na mauuna na gawa ng siya'y may mga gawaing pang nabinbin dahil sa kagustuhan at pamimilit kong makita siya. Nagpasya ako ng ihatid siya kahit hangang sakayan lang upang makapagpasalamat.
Pagbalik ko sa aming upuan, nakita kong nagpapaplitan ng kuro-kuro ang aking mga natitirang kapatid. Muli akong naupo at nakihalubilo sa kanilang masayang kwentuhan. Nagpatuloy ang ganitong tagpo hangang sumapit ang pasado ika-anim ng gabi. Nagpasya na kaming maglakad lakad upang samahan ang isa sa aking nakababatang kapatid na kunin ang kanyang pinatabing bibiling gamit sa isang tindahan. Nagpatuloy ang kulitan at pagdadaupang palad hangang sa masapit namin ang kabilang ibayo ng aming kinaruroan. Dito kami nagpasiya na maghanap ng makakainan at pasunudin na lamang ang isa pa naming kapatid na parating. Nagkaroon ng kaunting pagtatalo kung bakit wala pa siya, hangang sa wakas, nakatangap kami ng mensahe na nanduon na siya sa aming nakatakdang kitaang lugar at kasama niya ang kanyang asawa. Ang aking pagod ay napalitan ng ligaya. Sa wakas! Makikita ko na ang aking kapatid na matagal ko ng hinahanap hanap! Kahit nasa kabilang dako kami ng lugar na yaon, naglakad kami pabalik sa nakatakadang tagpuan. At ng masilayan ko ang aking kapatid at ang kaniyang kabiyak, nais kong mapaluha. Ang paghihintay na aking ginawa, ang pagod at puyat, ay lahat nabalewala. Ang aking kapatid, sa wakas, nakakausap at mahahawakan ko na. Pagpasok ko sa kanilang kinauupuang lugar, mainit kong sinalubong ang kanilang mga ngiti. Agag akong sumalampak sa upuang katabi ng aking kapatid. Kay tagal ko rin itong inasam...
Nagpatuloy ang aming daldalan ng ilang minuto lamang. Napawi man ang pagod,, ang gutom ay hindi. Nagpasya kaming kumain kung saan malapit sa lugar kung saan may kakatagpuin ang asawa ng aking kapatid. Pagdating namin sa napagkasunduang kainan, kami'y hindi tinangap. Pati sa pangalawa'y ganito din ang tagpo. Sa bandang huli, ako na ang nagdesisyon kung saan kakain. Pag dating sa kainan,kami ang pinaka maingay sa lugar na yaon. At dahil kami'y magaganda, nagpumilit kaming malipat sa lugar kung asan mas komportable ag aming pagupo.
Ang oras ay nalimot, ang pagod at gutom ay napawi, daldalan at palitan ng umaatikabong kuro-kuro ang naganap. Isang bagay na hinding hindi ko malilimutan sa aking buhay na ito. Napakasaya ng gabing iyon. Sa unang pagkakataon simula ng ginawa ko ang tahanan na ito, nakita ko kung gaano kakulay ang buhay.
Bilang pangwakas, nais ko ng ilagay sa inyong kukote kung ano ang masasabi ko sa aking kapatid at kanyang asawa na sa unang pagkakatao'y nakita ko na..
Ang aking kapatid ay isang totoong tao, marunong makisama, at higit sa lahat, mabuting tao. Mga bagay na bihirang bihira mo na makikita ngayon sa mundong mapagimbot. Isa siyang diyamante. At napakaswerte kong nilalang upang siya ay maging bahagi ng aking buhay.
Sa kabilang banda, ang kanyang asawa. Ngayon ko laman ito nakausap ngunit nakikita at nararamdaman ko na isa siyang mabuting tao at tapat sa aking kapatid. Alam kong magiging maligaya ang aking kapatid sa kanya. Siyanga pala, siya ang "wafu" na sinasabi ko. Marahil naman siguro alam na ninyo ang kahulugan noon.
"Kalidad hindi dami"